Naniniwala ka ba sa mga sinasabi nila na bago ka mamatay ay magkakaroon ka ng isang matinding falshback mula pagkabata mo hanggang sa panahon na naghihingalo ka? Oh diba ang haba ng tanong ko? Oo o hinde lang naman ang sagot. Sa akin, ayus lang basta ba yung flashback eh araw-araw para mas tumagal pa buhay ko. Pero teka isa 'tong kwento ng pag-ibig diba? Hindi naman sa kamatayan. Eto't sisimulan ko na.
Pitong buwan lamang tinagal ng huli kong pag-ibig. Naks. At least umabot ng pitong buwan diba. Pero sa relasyon na ito ay matinding paghihirap naman ang dinanas ko nung natapos ang lahat. Mamaya mo malalaman kung bakit.
Nagsimula sa trabaho, oo katrabaho ko siya. Baduy no. Katrabaho ko siya at ayaw ng buong madla sa aming relasyon pero pinaglaban namin. Naks ulit. Bakit kamo ayaw? Eh paano ba naman, nakakasira daw sa trabaho yun at si babae ay may karelasyon na iba. Pero siyempre unti-unting naman itong natanggap at hiniwalayan ni babae yung isa. At ayun nga, araw-araw kami magkasama hanggang pagkatapos ng dalawang buwan ay tumira na siya sa amin. Oo, naglive-in kame. At dun na nagsimula ang aming araw-araw na pagsasama. Ngunit nga, pagkalipas ng pitong buwan ay bigla na lang siyang umalis ng walang paalam at nalaman ko na lang na binalikan niya yung dati niyang karelasyon. Oh diba ang sarap magmahal? Ansarap din masaktan. Lagi naman yang partners in crime eh.
Gumuho ang mundo ko. Nasaktan ako at para bang gusto ko nang tapusin ang aking buhay. Naks na naman. Pero sabi nga ng mga kaibigan ko eh ayus lang yan. Tama lang na umalis siya sa buhay mo dahil ala naman siyang kwenta. Ewan ko ba, di ko nagawang magalit sa kaniya. Pero inaamin ko, nabaliw ako. Anjan ang oras na kapag may dumadaang tricycle eh humihiling ka na sana siya ang bababa at mag-dodorbell. Anjan ang oras na kakanta ka at iiyak. Sa gabi ayaw mo matulog dahil alam mong mapapanaginipan mo siya. Well, ganun talaga eh. Naks conyo.
Habang ako'y nagluluksa sa pagkamatay ng nagdurugo kong puso. Oo na, Naks ulit. Nariyan ang mga kaibigan na sinasamahan ka. Sasama ka sa kanila para maaliw ka kahit di ka iinom. At anjan si katotong Facebook para aliwin ka. Araw-araw kang nakatungaga sa Wall mo pero ala naman ginagawa. Nangaasar sa isang kaibigan na crush ko na nasa malayong lugar ang tanging nagbibigay aliw sa'yo. Siya ay nasa isang bansa sa Europa na maraming nagmamasahe. Sosyal diba? At hanggang sa text ay inaasar mo pa rin siya kahit nga nasa Europa siya.
Pero bakit ganun, sa araw-araw na pagtingin ko sa kaniyang Facebook account, naks na naman, ay para bang may iba na akong nararamdaman. Hindi kumpleto ang araw pag di siya tinitignan. Napapanaginipan na siya sa gabi. Pag-gising ay itetext agad at ilalike ang post niya sa kaniyang Wall. Oh ha. Ano bang nangyayari? Hindi pwede! Alam mo kung bakit? Kapatid siya ng bestfriend ko. Anong masama dun? Masama dahil bata palang kame ay kaibigan ko na siya. Mula pagkasabggol hanggang pagdadaalaga ay nasubaybayan ko. Hindi pwede to! Labanan mo! Pero nagpatuloy ang nararamdaman ko. Anjan ang mga pahapyaw na pagtatanong sa kuya niya kung ayus lang ba kung magkagusto ako sa kaniya. Anjan na ang pagbibigay importansya sa mga taong mahal niya. Astig diba? Nasa malayo pero nahuhulog loob ko. Hindi ko nakakasama pero nahuhulog na si pareng puso. Ganun talaga eh. Sabi nga nung isang singer eh Love Moves in Mysterious Ways. Oh san ka pa? Wala ako nagawa. Umamin ako sa kapatid niya at sa mga malalapit sa kaniya pero sa kaniya ay hindi pa. Bakit kamo? Diba mas maganda kung personal kong sasabihin? Tama ba?
Sa darating na Marso ay darating siya mula sa Europa. Marami akong naiisip na sorpresa para sa kaniya pero baka mahirapan. Pero sabi nga ng mga gustong manligaw, "It's Worth It". Totoo naman yun diba mga taong inlab? Sa ngayon habang wala pa siya ay lahat ng pwede kong ligawan na kaibigan niya at kamaganak niya ay gagawin ko mapatunayan lang o maparamdam ko man lang sa kaniya kung gaano ko siya kamahal. Isa lang ang sigurado ako, Mahal ko siya kahit nasa malayo siya. Mahal ko siya dati pa pero in denial ako, hanep, dahil matalik kong kaibigan ang kuya niya. Mahal ko siya at lahat gagawin ko maparamdam at maipakita ko lang kung gaano ko siya kamahal. Kung dati ay ang pagtulog ang isa sa pinakayaw ko, ngayon eto na ang pinakamasarap dahil nakikita kita sa panaginip ko.
Oo, isa ako sa tinatawag nilang Hopeless Romantic. Pero para sa'yo babaeng nasa Europa, hihintayin ko ang paguwi mo at dun ko sasabihin sa'yo lahat ng ito. Ikamatay ko man at makita ang flashback ng buong buhay ko.
